Kabanata 1: Bigat ng Mundo
Alas-onse na ng gabi pero gising na gising pa rin ang diwa ng malaking siyudad sa bansang Australia. Sa isang masikip na sulok sa kusina ng restaurant na pinag tatrabahuhan niya, nakaupo si Abby, 29 anyos, habang minamasahe ang kanyang sintido. Masakit ang ulo niya, hindi dahil sa sakit, kundi sa walang katapusang bills na hindi niya pa nababayaran na malapit na ang due date.
Tumunog ang kanyang cellphone. Pangalan ng nanay niya ang nasa screen. Huminga muna siya ng malalim bago sagutin.
"Hello, Ma?" pagod na bati ni Abby.
"Anak! Buti sumagot ka," bungad ng kanyang ina sa kabilang linya. "Yung kuya mo, naaksidente na naman sa motor. Nakabangga ng tindahan ng prutas. Kailangan daw bayaran ngayon din kung ayaw naming ipabarangay siya."
Napapikit si Abby. "Ma, kakapadala ko lang kahapon ng pambili ng gamot ni Papa. Wala na akong pera. Petsa de peligro na."
"Eh anong gagawin namin? Yung kapatid mong babae, nandito rin sa bahay, umiiyak. Na kick-out na sa school dahil nahuli daw na nasa bilyaran imbes na pumasok! Abby, ikaw na lang ang inaasahan namin. Gawan mo naman ng paraan."
Binaba ni Abby ang telepono na nanginginig ang kamay. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang magmura. Siya na lang lagi. Siya ang nagpapakain, nagpapaaral, at nagpapagamot, pero siya pa ang laging kulang. Ang tatay niya ay bedridden, ang nanay niya ay walang trabaho, at ang mga kapatid niya ay sakit sa ulo.
"Kaya ko pa ba?" bulong niya sa sarili habang nakatingin sa kawalan.
Kinabukasan, diretso siya sa kanyang part-time job bilang server sa isang sikat na coffee shop. Tatlong oras lang ang tulog niya. Habang nagse-serve, halos bumagsak na ang talukap ng kanyang mata.
"Excuse me! I ordered soy milk! Are you deaf?!"
Nagulat si Abby sa sigaw ng isang customer. Isang lalaking naka-suit, mukhang mayaman pero ubod ng sama ang ugali. Sa gulat niya, nabitawan niya ang tray.
BAM!
Basag ang mga baso at tumapon ang mainit na kape sa sapatos ng lalaki.
"What the hell?! Are you stupid?!" sigaw ng lalaki sabay duro sa mukha ni Abby. "Do you know how expensive this shoes is?! You stupid woman!"
Dali-daling lumabas ang Manager. Hindi man lang pinakinggan ang paliwanag ni Abby.
"Abby, this is not the first time, you are always away with your thoughts! You are fired. Get out. Now!"
Parang gumuho ang mundo ni Abby. Wala na ngang pera, nawalan pa ng trabaho. Umiiyak siyang lumabas ng shop, tinanggal ang kanyang apron at itinapon sa basurahan.
Kabanata 2: Ang Ibon
Naglakad si Abby sa isang eskinita habang lumulubog ang araw. Ang ingay ng mga bus at mga sasakyan ay parang bumibingi sa kanya. Gutom na siya. Kinapa niya ang kanyang bulsa, barya na lang ang natitira.
Sa gilid ng sidewalk, may isang tindahan nagbebenta ng sweet corn sa cup.
"Hello, can I buy a cup of sweet corn," mahina niyang sabi. Mainit, matamis, at nakaka tanggal ng stress kahit papaano.
Naghanap siya ng mauupuan sa isang madilim na parke. Habang sinusubo ang mais, napansin niya ang isang bagay na kumikilos sa damuhan. Isang ibon.
Hindi ito ordinaryong ibon. Ang mga balahibo nito ay kulay asul, ginto, at pula na parang kumikinang kahit madilim. Pero nakadapa ito, ang pakpak ay may sugat at bali, at nanginginig sa gutom.
"Kawawa ka naman," bulong ni Abby. "Pareho tayo, minalas sa buhay."
Kinuha niya ang kanyang dalang band-aid sa bag. Dahan-dahan, kahit takot siyang matuka, nilapitan niya ang ibon at nilagyan ng patch ang sugat nito.
"Wala akong uod o tinapay... pero gusto mo ng mais?" alok ni Abby.
Ibinuhos niya ang halos kalahati ng kanyang sweet corn sa harap ng ibon. "Kainin mo na 'yan. Mas kailangan mo 'yan para lumakas ka."
Tinuka ng ibon ang mais. Sa bawat subo, parang may mahikang nangyayari. Biglang lumiwanag ang katawan ng ibon!
SWOOSH!
Napahakbang paatras si Abby. Ang maliit na ibon ay biglang lumaki, sobrang laki na mas mataas pa ito sa poste ng ilaw! Gumaling ang pakpak nito at naging makisig.
Tumingin ang dambuhalang ibon kay Abby. Bago pa makasigaw ang dalaga, sinunggaban siya nito sa balikat gamit ang malalaking kuko, hindi para saktan, kundi para buhatin!
"Waaaah! Ibaba mo ako! Tulong!" sigaw ni Abby habang mabilis silang lumilipad paitaas.
Lumiit ang mga sasakyan, naging parang langgam ang mga tao. Pumasok sila sa makapal na ulap. Dahil sa takot at kakulangan sa hangin, unti-unting nandilim ang paningin ni Abby hanggang sa mawalan siya ng malay.
Kabanata 3: Ang Paraiso
Nagising si Abby dahil sa dampi ng malambot na bagay sa kanyang pisngi. Pagmulat niya, hindi semento ang higaan niya kundi milyong-milyong bulaklak na iba't ibang kulay. Ang hangin ay amoy lavender at vanilla.
"Gising na siya! Gising na ang bisita!"
Napaupo si Abby. Sa paligid niya ay may lumilipad na maliliit na nilalang na may pakpak, mga fairies!
"Nasaan ako? Patay na ba ako?" tanong ni Abby habang kinukusot ang mata.
"Nasa Mundo ng Enkantara ka!" sagot ng isang fairy na may pink na buhok. "Dinala ka rito ng Ibon dahil sa busilak mong puso."
Tumayo si Abby. Wala na ang mabigat na pakiramdam sa dibdib niya. At ang suot niyang damit ay naging isang magandang gown na puti.
Habang naglalakad siya kasama ng mga fairies sa gubat na puno ng kumikinang na puno, nakarinig siya ng mga yapak ng kabayo.
Mula sa hamog, lumabas ang isang lalaking sakay ng puting kabayo. Ang lalaki ay may matangos na ilong, mapupungay na mata, at ngiting nakakatunaw. Para itong lumabas sa fairytale book.
"Binibini," bati ng lalaki, sabay baba sa kabayo at yumuko. "Ako si Prinsipe Lucas. Ikinagagalak kitang makita."
"P-prinsipe?" nauutal na sabi ni Abby. "A-ako si Abby. Isa lang akong kitchen staff... at minsan server sa coffee shop... at fired na ako."
Tumawa nang mahina ang Prinsipe. "Huwag kang mag-alala, Hindi mo muna kailangan isipin ang mga bagay na iyan. Dito, espesyal ka."
Inilahad ng Prinsipe ang kanyang kamay. Sumama si Abby. Dinala siya sa kastilyo na gawa sa kristal at ginto. Doon, naramdaman ni Abby ang bagay na hindi niya naramdaman sa loob ng 29 na taon, ang mag buhay prinsesa. Hindi siya ang nag-aalaga. Siya ang inaalagaan. Masasarap na pagkain, malambot na kama, at walang katapusang musika.
"Ayoko nang umalis dito," bulong niya sa sarili habang nakatingin sa buwan. "Dito na lang ako."
Kabanata 4: Banta ng Oras
Ngunit ang kaligayahan ay may hangganan. Kinabukasan, lumapit ang dalawang fairies kay Abby habang nagsusuklay ito ng buhok.
"Abby," malungkot na sabi ng fairy. "Kailangan mo nang maghanda."
"Maghanda para saan? May party ba?" masayang tanong ni Abby.
"Hindi. Kailangan mo nang bumalik sa lupa. Ang mga tao ay hindi pwedeng tumagal dito ng higit sa 24 oras. Kapag lumubog ang araw mamaya, ibabalik ka na ng ibon sa siyudad."
Nanigas si Abby. Bumalik sa alaala niya ang ingay ng traffic, ang sigaw ng boss niya, ang mukha ng nanay niyang laging humihingi ng pera, at ang bigat ng responsibilidad.
"Ayoko!" sigaw ni Abby, nangingilid ang luha. "Parang awa niyo na! Huwag niyo akong ibalik doon! Mamamatay ako sa hirap! Dito masaya, dito mahal ako ng Prinsipe!"
"Wala kaming magagawa, batas ito ng kalikasan," sabi ng mga fairies bago lumipad palayo para bigyan siya ng oras magpaalam.
Habang umiiyak si Abby sa hardin, may aninong lumapit sa kanya. Isang babaeng nakasuot ng itim na hood at may hawak na tungkod na may bungo ng ibon sa dulo. Siya ang Royal Wizard. Pero iba ang aura niya, malamig at nakakakilabot.
"Iha, bakit ka umiiyak?" tanong ng Wizard. Ang boses nito ay parang gasgas na bakal.
"Pinapauwi na nila ako... pero gusto kong manatili," hikbi ni Abby.
Ngumisi ang Wizard. "Alam mo, may paraan para maiwasan ang batas na 'yan."
Nagliwanag ang mukha ni Abby. "Talaga po? Paano? Kahit ano gagawin ko!"
May inilabas na maliit na itim na bato ang Wizard mula sa kanyang bulsa. "Wala ka namang ibang maibibigay, gusto ko lang ng bagay mula sa mundo mo. Pero dahil wala kang dala, hayaan mong kumuha ako ng kapalit sa pamamagitan ng batong ito."
"Ano pong kapalit?"
"Wala. Maliit na bagay lang. Halikan mo lang ang batong ito, at bibigyan kita ng isang linggo pa dito sa kaharian."
Nataranta ang mga fairies na nakarinig. Lumipad sila palapit at hinila ang buhok ni Abby. "Abby, huwag! Masama ang kutob namin sa kanya! Huwag kang makipagkasundo!"
Tinabig ni Abby ang mga fairies. "Tumahimik kayo! Gusto ko maging masaya!"
Hinarap ni Abby ang Wizard at walang pag-aalinlangang hinalikan ang itim na bato.
TSSSS!!
Biglang umusok ang bato.
"Magaling," sabi ng Wizard. "May isang linggo ka pa. Enjoy."
Kabanata 5: Ang Pagkabulag
Isang linggo ang lumipas na puno ng saya. Walang problema, walang bills. Pero mabilis naubos ang oras. Bumalik si Abby sa Wizard.
"Bitin pa po! Gusto ko pa ng extension!" pakiusap ni Abby.
Naglabas ulit ng bato ang Wizard. "Isang halik, isang linggo."
Hinalikan ulit ito ni Abby.
Naging cycle ito. Sa ikatlong linggo, napansin ng mga fairies na nag-iiba na ang ugali ni Abby. Hindi na siya namamansin. At kapansin pansin din na nagiging maputla siya kahit na masaya siya.
"Abby, itigil mo na 'to," pakiusap ng fairy. "Hindi mo ba nararamdaman? May kapalit ang bawat halik mo!"
"Wala akong pakialam!" sigaw ni Abby. "Basta kasama ko ang Prinsipe!"
Pero nagdududa na rin ang Prinsipe. Napapansin niya ang madalas na pakikipag-usap ni Abby sa Wizard sa dilim.
Sa ika-apat na linggo, hindi na nakapagpigil ang mga fairies. Lumipad sila papunta kay Prinsipe Lucas habang natutulog si Abby.
"Mahal na Prinsipe! Niloloko ng Wizard si Abby! Pinapahalik niya ito sa mga batong itim na may masamang sumpa!"
Nagising ang galit ng Prinsipe. Agad niyang ipinatawag ang mga kawal at sinugod ang tore ng Wizard. Nakita niya doon si Abby, akmang hahalik na naman sa bato.
"Tigil!" sigaw ng Prinsipe. Hinablot niya si Abby at itinulak ang Wizard.
"Anong ginagawa mo sa kanya?!" galit na tanong ng Prinsipe sa Wizard. "Bawal ang dark magic dito!"
"Tinutulungan ko lang siya!" sagot ng Wizard na may nakakatakot na ngiti. "Siya ang may gusto nito!"
Humagulhol si Abby, kumapit sa braso ng Wizard. "Prinsipe, huwag! Mabait siya! Ang mga fairies ang sinungaling! Gusto lang nila akong paalisin!"
Nasaktan ang Prinsipe sa narinig. "Bulag ka na sa kagustuhan mong manatili, Abby. Kawal! Palayasin ang Wizard na 'yan sa kaharian ngayon din! At ikaw Abby, bukas na bukas din, ihahatid ka na ng ibon pabalik."
Habang hinihila ng mga kawal ang Wizard palabas ng gate, lumingon ito kay Abby at bumulong, sapat lang para marinig ng dalaga:
"Kung gusto mong manatili dito habambuhay at maging Reyna, tagpuin mo ako sa dating flower bed kung saan ka unang nagising. Hihintayin kita."
Kabanata 6: Ang Rebelasyon
Gabing-gabi na. Hindi makatulog si Abby. Ito na ang huling gabi niya. Bukas, babalik na siya sa impyerno ng buhay niya. Hindi siya makakapayag.
Dahan-dahan siyang bumangon. Tumakas siya sa bintana.
Pero nagbabantay ang mga fairies.
"Abby! Saan ka pupunta?" hinarang siya ng mga maliliit na kaibigan.
"Tabi!" sigaw ni Abby.
"Huwag kang tumuloy sa Wizard! Mapapahamak ka!"
Sa sobrang desperasyon, hinawi ni Abby ang mga fairies nang malakas. Tumalsik ang isa sa pader at dumaing sa sakit. "Aray!"
Natigilan saglit si Abby, pero nanaig ang kagustuhan niyang manatili. "Kasalanan niyo 'yan! Ayaw niyo akong pagbigyan!"
Tumakbo siya papunta sa flower bed. Pero pagdating niya, wala na ang magagandang bulaklak. Tuyo na ang lupa. Patay na ang mga damo. Ang dating paraiso ay mukhang sementeryo na.
Nakatayo sa gitna ang Wizard, sa tabi ng isang maliit na kubo.
"Narito na ako," hinihingal na sabi ni Abby. "Gusto ko dito na ako forever. Ayoko nang bumalik."
"Very good," sabi ng Wizard. Inilabas niya ang pinakamalaking bato. "Ito ang huli. Halikan mo ito, at hindi ka na makakaalis dito kailanman."
Walang pag-aalinlangang hinalikan ni Abby ang bato nang mariin.
BAM!
Kumulog nang malakas. Ang Wizard ay biglang nagbagong-anyo. Humaba ang ilong nito, naging kulubot ang balat, at naging isang ganap na Witch!
Tumawa ang Witch nang napakalakas. "Tapos na ang kasunduan!"
"A-anong nangyayari?" natakot si Abby.
"Tingnan mo ang salamin," turo ng Witch sa isang salamin na nakasabit sa tuyong puno.
Lumapit si Abby. Sa salamin, nakita niya ang bahay nila sa lupa. Nakita niya ang kanyang nanay na nakaupo sa sala... at dahan-dahang nagiging bato!
"HINDI! MA!" sigaw ni Abby.
"Ang bawat batong hinalikan mo ay kapalit ng isang miyembro ng pamilya mo," paliwanag ng Witch habang tumatawa. "Yung una, ang tatay mo. Pangalawa, ang kuya mo. Pangatlo, ang kapatid mong babae. At ngayon... ang nanay mo."
Sa salamin, nakita ni Abby ang apat na estatwang bato sa loob ng kanilang maliit na bahay.
Napaluhod si Abby. "Ano'ng ginawa ko?! Papatayin mo sila?! Ibalik mo sila! Ibalik mo ako!"
"Huli na ang lahat! Ginusto mo 'yan! Tinalikuran mo sila para sa sarili mong ginhawa!"
Umiyak si Abby nang napakalakas. Ang sakit, ang pagsisisi, ay parang punyal sa puso niya. Naalala niya kung paano siya nagpakasarap habang ang pamilya niya ay nasa panganib. Naalala niya ang pananakit niya sa mga fairies.
"Patawad..." hagulgol niya, nakadapa sa tuyong lupa. "Patawarin niyo ako. Kung pwede ko lang bawiin. Kahit mahirap ang buhay, okay lang, basta buhay sila. Lord, ibalik niyo po sila. Patawad..."
Sa sobrang iyak at pagod, unti-unting namigat ang talukap ng mata ni Abby hanggang sa lamunin siya ng dilim.
Kabanata 7: Pag-gising sa Realidad
"Aray ko..."
Nagising si Abby dahil sa sakit ng likod. Ang matigas na sahig ay ramdam na ramdam ng buto niya.
Pagmulat niya, pamilyar ang kisame. May crack sa pintura. May agiw sa gilid.
Nasa inuupahan niyang kwarto siya sa siyudad!
Bumangon siya agad. "Panaginip lang ba?"
Biglang bumukas ang pinto ng banyo. Isang babaeng nakatapis ng tuwalya ang lumabas at tumili nang makita si Abby.
"AAAAHH! SINO KA?! BAKIT KA NANDITO SA BAHAY NAMIN?!"
Pumasok ang asawa ng babae na may hawak na walis. "Magnanakaw ka ba?!"
"Teka! Bahay ko 'to! Abby ba pangalan mo?! nakasulat yan dito sa likod ng pinto!" depensa ni Abby.
Natigilan ang mag-asawa. "Abby? Yung nawawalang babae? Yung sinabi ng landlord dito na nawala isang taon na ang nakakaraan?"
"Isang taon?!" Nanlamig si Abby. "Isang taon na akong nawawala?"
"Oo! Akala ng lahat patay ka na o na-kidnap!" sabi ng babae.
Nanginginig si Abby. Kung isang taon na ang lumipas... totoo ba ang nakita niya sa salamin? Bato na ba ang pamilya niya?
"Pahiram ng cellphone! Parang awa niyo na!" sigaw ni Abby. Nanginginig ang mga daliri ni Abby habang dina-dial ang numero ng nanay niya.
Kring... Kring... Kring...
"Please, sumagot kayo. Please, huwag kayong maging bato," dasal ni Abby.
Sinagot ang kanyang tawag at narinig niya ang boses ng kanyang inay.
"Ma?!" sigaw ni Abby habang tumutulo ang luha.
Hindi din makapaniwala ang kanyang pamilya kaya inaya niya itong mag video call.
Bumukas ang camera.
Isang maaliwalas na mukha ang sumalubong sa kanya. Ang nanay niya! Hindi ito bato! Sa katunayan, mukha itong bumata at malusog.
"ABBY?! DIYOS KO! ANAK!" Nagkagulo sa kabilang linya. "Pa! Si Abby nandito bilis! Buhay ang anak natin!"
Nakita ni Abby ang tatay niya, na dating nakaratay, ngayon ay nakatayo at naglalakad palapit sa camera! Ang kuya niya ay malinis ang gupit, at ang kapatid niyang babae ay magandang dalaga na.
"Ma... akala ko... akala ko wala na kayo," iyak ni Abby. "Buhay kayo!"
"Anak, isang milagro ang nangyari," kwento ng nanay niya habang umiiyak sa tuwa. "Noong nawala ka, akala namin katapusan na namin. Pero isang linggo matapos kang mawala, habang pabalik balik kami sa bayan para asikasuhin ang paghahanap sa'yo dyan ng gobyerno sa ibang bansa, may dumating na ibon dito."
"Ibon?"
"Oo. Isang napakagandang ibon na makulay. Araw-araw, nagdadala siya ng sweet corn! Hindi lang basta mais, anak. Sobrang lalaki at tatamis. Napuno ang bakuran namin ng mais! Kaya naisipan naming itanim. Ang bilis nilang lumaki! Kumita kami nang malaki sa pagbebenta ng mais."
Ipinakita ng nanay ang paligid ng bahay nila. Ang dating sira-sirang barong-barong ay konkreto na ngayon. May malawak na taniman ng mais sa likod.
"Dahil sa kita sa mais, napagamot namin ang Papa mo. Ang kuya mo, siya na ang nagma-manage ng farm at nagtino na. Ang kapatid mo namang babae, bumalik sa school at nag-top pa sa klase!"
Itinutok ng nanay ang camera sa hardin sa harap ng bahay. "At tignan mo 'to, Abby. May mga tumubong bulaklak dito na hindi namin alam kung saan galing. Ang gaganda, parang hindi galing sa mundong ito."
Napahagulgol si Abby. Ang mga bulaklak... iyon ang mga bulaklak mula sa kaharian ng mga fairies.
Na-realize niya ang lahat. Ang masasamang pangyayari at ang pagiging bato ng pamilya niya ay kasinungalingan lang ng Witch para saktan siya. Ang Ibon, na tinulungan niya noon, ay ibinalik sa kanya ang tulong na binigay niya. Inalagaan nito ang pamilya niya habang wala siya.
"Umuwi ka na, anak. Hinihintay ka na namin," sabi ng tatay niya.
"Opo, uuwi na po ako," sagot ni Abby na magaan na ang loob. Pagbaba ng telepono, humingi ng pasensya si Abby sa mga bagong tenant.
"Okay lang, Miss Abby," sabi ng babae. "Tumawag na kami ng pulis para tulungan kang makauwi at ma-process yung nangyari sa'yo."
Ilang minuto lang, may kumatok sa pinto.
"This is the police," boses ng isang lalaki.
Bumukas ang pinto. Pumasok ang isang pulis na matangkad, makisig, at may maamong mukha. Nang magtama ang paningin nila ni Abby, parang tumigil ang oras.
Ang pulis ay kamukhang-kamukha ni Prinsipe Lucas.
Pareho ang mata. Pareho ang tindig. Pareho ang ngiti.
"Good morning, Ma'am. I am Officer Lucas," pakilala nito. "I'm here to help you."
Napangiti si Abby habang pinupunasan ang huling patak ng luha sa kanyang pisngi. Ang fairytale niya ay hindi natapos sa alapaap. Nagsisimula pa lang ito sa lupa.
"Thanks, Officer," sagot ni Abby. "Handa na akong umuwi."
\-\- WAKAS --

