GenZ Graphics
Back to Library

Si Malaki, si Maliit at si Makulit

Istorya ni: Hakim Mac

Novel, Drama, Family

Si Malaki, si Maliit at si Makulit cover

Chapter 1: Si Lola

Anim na taong gulang pa lang si Marco nang gumuho ang mundo niya. Isang malagim na bus accident sa probinsya ang bumawi sa buhay ng kanyang Papa, Mama, at Kuya Paolo. Siya lang ang nakaligtas dahil yakap-yakap siya ng kanyang ina.

Lumaki siya sa piling ni Lola Ising. Sa bawat birthday, graduation, at heartbreak, si Lola Ising ang nandoon. Nagtinda ito ng kakanin, naglabada, at namaluktot sa hirap maitaguyod lang siya.

Nang tumuntong si Marco sa edad na bente-dos, inabot ni Lola Ising ang isang lumang biscuit tin.

"Apo, kunin mo 'to," nanginginig na sabi ng matanda. "Lahat ng ipon ko 'yan simula noong bata ka pa. Gamitin mo pang-Dubai. Alam kong matalino ka, Marco. Nasabi ko na ito sa kaibigan ko at tutulungan ka makapunta doon."

You deserve a better life. Wag kang tutulad sa amin dito na isang kahig, isang tuka."

"Lola, paano ka?" naiiyak na tanong ni Marco.

"Sus, ako pa ba? Matibay 'to! Basta mangako ka, ‘pag asenso ka na, balikan mo ako ha?"

Dala ang pangarap at sakripisyo ng lola niya, lumipad si Marco patungong Dubai. Pero ang akala niyang city of gold ay naging city of tears.

Chapter 2: Bedspace at Cup Noodles

Tatlong buwan na si Marco sa Dubai, at pa-expired na ang visit visa niya. Ubos na ang baon niyang pera. Nakikitira lang siya sa isang masikip na partition room sa Deira kasama ang marami pang ibang lalaki na hinihiwalay ng maliliit na kwarto. Ang "kwarto" niya ay isang maliit na bed na may manipis na flywood divider lang.

Gabi-gabi, umiiyak siya nang tahimik para hindi marinig ng mga roommates niya.

"Lord," bulong niya habang nakatingin sa kisame. "Bakit ang hirap? Sabi nila madali lang dito. Bakit parang ayaw niyo akong umasenso? Mamatay na lang kaya ako?"

Inggit na inggit siya sa mga nakikita niya sa mall. Mga pamilyang masaya, kumakain sa Jollibee, nagtatawanan. Siya? Salted egg o cup noodles lang ang dinner. Homesick na homesick na siya.

Isang umaga, nagising siya na may mabigat sa dibdib niya. Literal na mabigat.

Pagmulat niya, isang malaking pusang Orange Tabby ang nakadagan sa kanya at nakatitig nang masama.

"Ay palaka!" sigaw ni Marco sabay balikwas. Napatalon pababa ang pusa.

Pagtingin niya sa sahig, may dalawa pa. Isang Calico (Puting Kulay na may dalawang batik) na mahinhin na nakaupo sa may maleta niya, at isang maliit na itim na Kuting na hyper na tumatalon-talon sa sapatos niya.

"Hoy! Paano kayo nakapasok dito?!" sigaw ni Marco. "Layas! Hindi ito pet shop! Budget ko pang-tao lang, hindi pang-hayop!"

Tinaboy niya ang mga ito gamit ang unan. Lumabas naman sila sa bintana.

"Hay naku, bad trip. Bad omen yata 'to eh," maktol niya.

Pero kinabukasan, nandoon ulit sila. At sa susunod na araw. At sa susunod pa. Kahit isara ni Marco ang bintana, nakakahanap sila ng paraan, minsan sumasabay pagbukas ng pinto, minsan dumaadaan sa ventilation.

Para silang stalker.

Chapter 3: Mga Pangyayari

Dahil wala siyang magawa at wala siyang friends, ang mga pusa ang naging outlet ng sama ng loob niya. Kinakausap niya ang mga ito habang nagbibihis siya para maghanap ng trabaho.

"Alam niyo, kayong tatlo, freeloaders kayo," sermon ni Marco habang nagsusuklay. Nakatingin lang ang malaking Orange Tabby, parang judge sa Pilipinas Got Talent.

"Ikaw," turo niya sa Orange Tabby. "Ang taba-taba mo, ang sungit mo pa tumingin. Para kang 'yung landlord namin na naniningil ng upa."

Tinuro niya 'yung Calico na nasa may paanan niya. "Ikaw naman, harang ka nang harang. Trip mo ba akong madapa?"

At 'yung Kuting? "Ikaw 'yung pinaka-epal. Kinakagat mo yung medyas ko! Butas na nga 'yan eh!"

Pero kahit anong taboy niya, hindi sila umaalis. Kapag kumakain siya ng sardinas, nakapaligid sila. Napipilitan tuloy siyang bigyan sila ng konti kahit gutom din siya.

"O, ayan! Wag kayong masasanay ha! Last na 'yan!" sigaw niya, pero hinahati niya pa rin yung isda sa tatlo.

Isang araw, papunta si Marco sa isang interview para sa waiter job. Final chance na niya ito. Kaso, paglabas niya ng pinto, hinarang siya nung Malaking Orange Tabby.

"Tabi! Late na ako!" sigaw ni Marco.

Pero hindi tumabi ang pusa. Tumalon at kumapit pa ito sa kanyang pantalon at ayaw siyang paalisin. Nag-wrestling pa sila nang konti. Dahil dito, na-miss niya ang bus.

"Bwisit ka talaga! Wala na! Finish na! Uuwi na akong Pilipinas!" halos maiyak iyak na sigaw ni Marco sa kalsada at maluha luha sa lungkot.

Napilitan siyang maglakad papunta sa ibang bus stop. Dahil naglakad siya, napadaan siya sa harap ng isang Events Company. May nakapaskil sa labas: URGENT HIRING: GRAPHIC ARTIST.

Natigilan si Marco. Dahil nakapasok naman siya at natuto sa konting buwan niang pagpasok sa Graphic Artist course sa TESDA, pero hindi siya nag-a-apply dahil hindi naman niya ito natapos.

Pero dahil wala naman nang mawawala sa kanya.

Pumasok siya. At nag try out, sa lahat ng sumubok at matagal na pag hihintay sa try out room.

Paglabas niya, may Job Offer na siya. Nagustuhan ang mga design approach niya.

Triple ang sahod kaysa sa waiter job na in-applyan sana niya.

"Himala..." bulong niya. Kung sumakay siya sa bus kanina, hindi niya madadaanan 'to.

Pag-uwi niya, sinalubong siya ng tatlong pusa.

"Hoy Tabachoy," sabi niya sa Orange Tabby. "Chamba lang 'yun ha. Wag kang feeling hero." Pero binilan niya ang mga ito ng fried chicken skin na binebenta sa malapit na shop.

Ilang linggo ang lumipas, papatawid sana siya sa Rigga Road. Naka-earphones siya at malungkot, iniisip si Lola. Biglang kumagat sa pantalon niya 'yung Calico cat.

"Aray! Ano ba?!" Napahinto siya para tingnan ang pusa.

WHOOSH!

Isang kaskaserong Sports Car ang humarurot sa harap niya sa mismong pwesto kung saan sana siya tatapak kung hindi siya pinigilan ng pusa. Isang dangkal lang ang layo niya sa kamatayan.

Namutla si Marco. Tumingin siya sa Calico. Nakatingin lang ito sa kanya, mahinhin, parang sinasabi na, "Mag-ingat ka kasi."

Umupo siya at hinimas ang pusa, di nia pa rin gustong aminin sa sarili niya na niligtas ang buhay niya ng isang hamak na pusa.

Chapter 4: Ang Lungkot

Kahit may trabaho na, inaatake pa rin si Marco ng depression. Isang gabi, sobrang bigat ng pakiramdam niya. Birthday ng namayapa niyang Kuya Paolo. Mag-isa siya sa kwarto, umiinom ng beer, at nakatingin sa balkonahe.

"Pagod na ako," bulong niya. "Lola, sorry... parang gusto ko nang sumuko."

Lumapit siya sa railing ng balkonahe. Nakakatukso ang taas. Ang dilim ng gabi.

Biglang may tumalon sa balikat niya,yung makulit na itim na Kuting. Kinagat nito ang tenga niya at nag- purr nang napakalakas sa leeg niya. Kiniliti siya nito gamit ang whiskers.

"Aray! Ano ba! Bwisit ka talagang makulit ka!" sigaw ni Marco, pero napatawa siya dahil sa kiliti.

Bumaba ang kuting sa mukha niya at nag- roll over, nagpapa- belly rub. Ang cute-cute nito. Tinitigan siya ng kuting gamit ang malalaking mata, parang sinasabing, "Laro tayo, wag kang malungkot."

Napaupo si Marco sa sahig at niyakap ang kuting. Humagulgol siya. Ang kuting, hindi umalis. Dinilaan lang ang luha sa pisngi niya.

Nakangiti si Marco kahit tumutulo ang mga luha sa kanyang mga mata.

Chapter 5: Ang Pamamaalam

Lumipas ang Siyam na Buwan. Promoted na si Marco. Lead Graphics Designer na siya. Nakaipon na rin siya ng malaki laki. Oras na para lumipat sa isang mas magandang apartment sa Financial Centre Area sa Dubai.

Bawal ang pets doon. kaya gusto niya din para makatakas na siya sa mga makukulit niyang kasamang pusa.

Habang nag-eempake siya, nakatingin ang tatlong pusa.

"O, guys. Aalis na ako," medyo mayabang na sabi ni Marco para pagtakpan ang lungkot niya. "Lilipat na ako sa condo. Wala nang daga doon. Aircon lahat. Hindi ko na kayo problema."

Hindi gumalaw ang mga pusa. Nakatitig lang sila.

Yung Orange Tabby, lumapit at kiniskis ang ulo sa binti niya, isang bagay na hindi nito ginagawa. Yung Calico, inamoy ang kamay niya. Yung Kuting, naglaro sa sintas ng sapatos niya sa huling pagkakataon.

"Wag kayong mag-alala, nag-iwan ako ng malaking bag ng cat food sa labas. Mabubuhay kayo niyan. Survival of the fittest na lang, okay?"

Umalis siya nang hindi lumilingon. Pero habang nasa taxi, parang may kurot sa puso niya. Pero hindi niya ito inisip.

Chapter 6: Ang Rebelasyon

Ang ganda ng bago niyang apartment. View ng matataas ng gusali at kita din ang Burj Khalifa. Malambot ang kama. Tahimik.

Sobrang tahimik.

Unang gabi, hindi makatulog si Marco. Hinahanap ng tenga niya ang meow ng maliit na itim na pusa. Hinahanap ng paa niya ang harang na Orange Tabby. Hinahanap ng mata niya ang Calico.

Bumangon siya. Uminom ng tubig. Tumingin sa salamin. At biglang... biglang tumama sa kanya ang kidlat ng alaala.

Naalala niya ang Orange Tabby. Malaki, strikto, protective, at siya ang nagtulak sa kanya sa tamang landas papunta sa trabaho. "Si Papa..." bulong ni Marco. "Yung titig niya... titig ni Papa."

Naalala niya ang Calico. Mahinhin, laging nakabantay, niligtas siya sa kalsada. "Si Mama... Yung pag-aalaga niya... si Mama 'yun."

Naalala niya ang maliit na pusa. Makulit, laging nagpapatawa, ang nagpapangiti sa kanya kapag gusto na niyang sumuko. "Si Kuya Paolo... Si Kuya na laging joker..."

Nanginig ang tuhod ni Marco. Napahawak siya sa dibdib.

"Hindi sila basta pusa..."

Lahat ng coincidence. Lahat ng timing. Ang pagdating nila noong lowest point niya. Ang hindi nila pag-alis kahit tinataboy niya sila.

"Hindi nila ako iniwan. Sila 'yun! Mama!, Papa at Kuya!"

Dali-daling tumakbo si Marco. Hindi na hinintay ang lift at tumakbo na sa hagdan pababa. Alas-dos na ng madaling araw. Tumakbo siya palabas, sumakay ng taxi, pabalik sa lumang building sa Deira.

"Manong, bilisan mo! Please!"

Umiiyak si Marco, habang sinasabi.

"Mama, papa please hintayin niyo ko, kuya!"

Pagdating niya, tumakbo siya sa luma niyang kwarto. Bukas pa ang bintana.

"Mama! Papa! Kuya!" sigaw niya.

Ngunit wala na sila doon.

Hinalughog niya ang basement. Ang rooftop. Ang mga eskinita.

"Papa! Mama! Kuya! Andito na ako! Sorry kung iniwan ko kayo! Sorry kung nagsungit ako! Umuwi na tayo! Ipupuslit ko kayo sa kwarto o kahit bumalik ulit ako dito please bumalik lang kayo!"

Umiyak siya nang umiyak sa gitna ng madilim na eskinita. Walang sumasagot. Walang pusa. Tanging hangin lang.

Pagod na pagod, napaupo siya sa tapat ng luma niyang pinto. Nakatulog siya sa kakaiyak, yakap ang sarili.

Sa panaginip niya, nasa isang maliwanag na hardin siya.

Lumapit sa kanya ang tatlong pusa. Pero habang papalapit sila, nagbago ang anyo nila.

Ang Orange Tabby ay naging si Papa niya, nakangiti, matipuno. Ang Calico ay naging si Mama niya, nakangiti rin at maganda. Ang maliit na itim na pusa ay naging si Kuya Paolo, tumatawa at kumakaway.

"Pa... Ma... Kuya..." iyak ni Marco sa panaginip. "Bakit niyo ako iniwan?"

Lumapit ang Papa niya at hinawakan siya sa balikat. "Anak, hindi ka namin kailanman iniwan. Noong gutom ka, noong malungkot ka, noong muntik ka nang madisgrasya... nandoon kami."

Yinakap siya ng Mama niya. "Okay ka na, anak. Malakas ka na. Nagawa mo na. Proud na proud kami sa'yo."

Ginulo ni Kuya Paolo ang buhok niya. "Wag ka nang iiyak, iyakin! Ang galing mo nga eh! Enjoy mo na ang life, bro! Andito lang kami sa puso mo."

Sabay-sabay silang nagsabi: "You are never alone. Hindi ka nag iisa, Keep going, Marco."

Nagising si Marco nang sinisikatan ng araw. Wala na ang bigat sa dibdib niya. Sa halip, may kakaibang aliwalas sa kanyang puso. Alam na niya. Safe na sila. At safe na rin siya.

Tumayo siya, pinagpag ang pantalon, at tumingala sa langit.

"Salamat," bulong niya nang nakangiti. "Gets ko na."

Makalipas ang ilang buwan...

Sa Arrival Area ng Dubai International Airport, nakatayo si Marco. Gwapo, maaliwalas ang mukha, at may dalang bulaklak.

Lumabas ang isang matanda na nakasakay sa wheelchair assistant.

"Lola Ising!" sigaw ni Marco.

Tumakbo siya at niyakap nang mahigpit ang Lola niya.

"Apo! Ang ganda pala dito!" naiiyak na sabi ni Lola. "Akala ko hindi na kita makikita."

"Dito ka na titira sa akin, Lola. Queen ka na simula ngayon," sabi ni Marco.

Dinala niya si Lola sa bago niyang spacious na apartment. Pagpasok nila, may surprise si Marco.

Sinalubong sila ng Nobya ni Marco na kasalukuyang naghahain ng pagkain na niluto nito para sa kanila.

At sa gitna ng sala, may tatlong bagong rescue cats na natutulog sa sofa. Isang malaki, isang mahinhin, at isang makulit na kuting.

"Ay, may mga pusa ka pala!" tuwang-tuwang sabi ni Lola.

Ngumiti si Marco habang pinagmamasdan ang mga pusa. Alam niyang hindi sila ang pamilya niya, pero sila ang paalala na ang pagmamahal ay laging nandiyan.

"Opo, Lola," sagot ni Marco, habang hinahaplos ang isang kuting. "Sila ang magpapaalala sa atin na... love never really leaves."

At sa wakas, sa gitna ng disyerto, natagpuan ni Marco ang kanyang oasis, ang kanyang pamilya, sa lupa man o sa langit.

\-\- WAKAS --

This story is owned by the author. Reposting or copying without permission is considered copyright infringement. Thank you for respecting the author and enjoy reading.

GenZ Graphics

GenZ Graphics — websites, branding and visuals crafted end-to-end. Let's build something brilliant together.

Connect

© 2026 GenZ Graphics. All rights reserved.